Lawa ng Pag-asa: Ang Walang Patid na Pag-sagwan ni Sowaib sa Bagong Lake Lanao

Lawa ng Pag-asa: Ang Patuloy na Pag-sagwan ni Sowaib sa Nagbabagong Lake Lanao

Sa pagitan ng tumataas na presyo ng gasolina, pagkawala ng mga katutubong isda, at bigat ng pangarap para sa mga apo, paano pumapalag ang isang 71-anyos na mangingisdang Meranaw laban sa nagbabagong ekolohiya?

LAKE LANAO, Lanao del Sur (MindaNews / 20 Hunyo 2026) — Sa ibabaw ng tahimik na tubig ng Lake Lanao, makikitang payapang nakaupo si Sowaib Omar sa kaniyang maliit na bangka habang hawak ang kaniyang bingwit. Sa edad na 71, ang kanyang mga kamay ay kasing-tibay ng mga sagwan na halos limang dekada na niyang kasama sa pangingisda.

Siya ang itinuturing na pinakamatandang aktibong mangingisda sa Kialdan, Marantao — isang buhay na saksi sa unti-unting pagbabago ng antas ng tubig, pagkawala ng mga katutubong isda, at ang lumalalang hamon ng kabuhayan sa gitna ng nagbabagong kalikasan.

Para kay Sowaib, ang pangingisda ay hindi lamang isang trabaho; ito ay isang pamanang dumadaloy sa kaniyang ugat mula pa sa kaniyang mga magulang. Subalit sa paglipas ng limang dekada, ang lawang nagpakain sa kaniyang pamilya ay hindi na tulad ng dati. Ang Lake Lanao, na ikalawang pinakamalaking lawa sa Pilipinas na sumasaklaw sa 347 kilometro kuwadrado, ay dumaranas ngayon ng matinding krisis sa ekolohiya na naglalagay sa mga mangingisdang Meranaw sa buhay ng kahirapan.

Binubuo ng labing-apat na miyembro ang pamilya ni Sowaib sa kasalukuyan, kabilang ang kanyang asawa, pitong anak, at anim na apo. Dahil lubos na dumepende ang kanilang kabuhayan sa lawa, kinailangan ng kaniyang mga anak na talikuran ang pag-aaral noon upang sumama sa kaniya sa paghahanapbuhay. Ngayon, sa kaniyang katandaan, ibinubuhos ni Sowaib ang kaniyang natitirang lakas, katuwang ang kaniyang mga anak, sa panibagong laban: ang tumulong sa pagtataguyod ng edukasyon ng kaniyang anim na apo upang hindi tuluyang maitali ang mga ito sa lumiliit na kita mula sa pangingisda.

“Mas okay na ito dahil ito ay marangal na trabaho, walang tinatapakang tao. Sa pangingisda, hindi na namin pinoproblema ang pang-ulam namin—kumikita na kami, meron pa kaming ulam sa hapag,” ani Sowaib.

Ang preparasyon ni Sowaib bago pumalaot ay simple lamang ngunit puno ng pag-iingat: ang kaniyang lumang damit, sagwan, at ang pinakamahalaga sa lahat — gasolina. Dati, sapat na ang lakas ng bisig at sagwan sa isang maliit na bangka para sa malapitang pangingisda. Ngunit ngayon, dahil mailap na ang mga isda sa pampang, kinakailangan na niyang gumamit ng de-motor na bangka upang marating ang malalim na bahagi ng laot.

Dahil sa mahal na presyo ng gasolina at madalas na kakaunting huli ng mga isda, hindi na kaya ni Sowaib ang pumalaot araw-araw. Ginagawa na lamang niya ito sa alternatibong araw. Isang makina lamang ang kaniyang inaasahan para sa malayong laot. Ang isa pa niyang maliit na bangka, na walang makina, ay ginagamit lamang niya sa mga malapit na lugar na kaya pang abutin ng lakas ng kaniyang bisig at sagwan.

Pumapalaot si Sowaib tuwing alas-singko ng madaling-araw kasama ang kaniyang anak na si Amer upang magsilbing katuwang. Sa unang yugto ng kanilang paggawa, nanghuhuli muna sila ng maliliit na hipon na gagamiting pain bago tahakin ang gitna ng malawak na Lake Lanao. Pagdating sa tamang pwesto, ibinababa ni Amer ang isang improbisadong angkla na yari sa pinagsamang kawayan at sako.

Sa halip na bumili ng mamahaling bakal na angkla na pwedeng sumabit at mawala sa ilalim ng lawa, gumamit sila ng mga lokal at patapong materyales na madaling palitan. Gumagana ito bilang isang sea anchor: kapag nakababa sa tubig, binubuka ng kawayan ang sako upang sumalo ng tubig. Ang presyon na nalilikha nito ang humihila sa bangka pabalik, kaya mabisang nalalabanan ang hangin at agos kahit mababaw o magaan lamang ang hitsura ng kagamitan.

Tulad ng kawayan at sako na kailangang magkasama upang maging epektibo, si Sowaib at Amer ay kailangan ding magtulungan. Habang pinapanatili ng angkla ang katatagan ng bangka, malaya at ligtas naman nilang naihuhulog ang mga tansi upang makapangisda nang maayos sa gitna ng malalim na lawa.

Matiyagang naghihintay si Sowaib at ang kanyang anak sa loob ng lima hanggang anim na oras sa ilalim ng nagbabagang init ng araw. Sa modernong panahon, aminado si Sowaib na madalas ay mga uring “Katulong” at “Kadurog” na lamang — mga isdang mababa ang halaga — ang sumasabit sa kaniyang kawil. Ang mga mamahalin at masustansyang isda tulad ng “Aruan” (dalag) at “Tilapia” ay labis nang mailap.

“Minsan meron, minsan wala. Hindi mo na masasabi ngayon kung mas marami ba ang nakukuha noon kaysa ngayon. Ang pangingisda rito, parang tumataya ka sa jackpot sa lotto,” ani Sowaib.

Sa sandaling maubos ang baong hipon na pain, tinatapos na nila ang pangingisda at ibinabalik ang bangka sa pampang, anuman ang dami ng kanilang huli sa imbakan. Binababad sila ng buong prosesong ito, mula sa paghahanda hanggang sa pag-uwi sa ilalim ng matinding init, mula madaling-araw hanggang sa pagsapit ng gabi.

“Mahirap ang pangingisda ngayon, babad ka sa araw. Minsan nag-uumpisa kami mula alas-singko ng madaling-araw hanggang alas-diyes ng gabi para lamang masiguro na may maiuuwi kami.”

Pagdating nila sa pampang ng alas-siyete ng umaga o kaya sa huling bahagi ng hapon, agad na dinadala ng kaniyang anak na si Amer ang mga huling isda sa lokal na palengke.

Sa mga araw na maganda ang bentahan, umaabot sa limang daang piso (₱500) ang kanilang kinikita. Ang halagang ito ay agad na hinahati para sa mga pangunahing pangangailangan: pambili ng dalawang kilo ng bigas na nauubos ng pamilya sa loob ng isang araw, at ang pambili ng gasolina para sa susunod na pagpalaot. Kung may sosobra, doon pa lamang ito nailalaan sa iba pang gastusin sa bahay at sa pag-aaral ng mga apo.

Hindi humihiwalay ang kwento ni Sowaib sa mas malawak na krisis sa ekolohiya ng Lake Lanao. Ayon sa pananaliksik nina Professor Mark Torres at ng mga biologist na sina Dr. Jihan Abdul Malik-Labe at Dr. Perry Quilang mula sa University of the Philippines, ang pagpasok ng mga invasive species o mga hindi katutubong isda ang nagpabilis sa pagkaubos ng mga lokal na uri ng isda sa lawa.

Sa katunayan, itinuturing na ngayong extinct o tuluyan nang naglaho ang 15 sa 18 naitalang endemic cyprinids (mga katutubong isda sa pamilya ng karpa). Pinalalala pa ito ng operasyon ng mga hydroelectric power plant sa Agus River. Nagdudulot ang mga planta ng artipisyal na pagbaba ng tubig na sumisira sa mga littoral zone — ang mabababaw na bahagi sa pampang na nagsisilbing pangingitlogan ng mga isda. Pinapatay din ng polusyon mula sa mga komunidad, industriya, at agrikultura, pati na ng banlik (sedimentation) mula sa mga kalbong kagubatan, ang kabuhayan ng mga mangingisda.

Sa komunidad ng mga mangingisda sa Marantao, magkakakilala ang lahat. Nagkakaisa sila sa iisang kapalaran — ang pagtanaw sa abot-tanaw ng Lake Lanao na may halong pangamba at pag-asa. Habang hila-hila ni Sowaib ang kaniyang mabigat na bangka pabalik sa dalampasigan, pasan niya ang mas mabigat na responsibilidad bilang padre de pamilya sa isang mundong unti-unti nang nagbabago ang kalikasan.

Parte na ng buhay ni Sowaib ang Lake Lanao. Sa kabila ng krisis sa ekolohiya, ng naglalahong mga endemic na isda, at ng lumulubog na halaga ng kita laban sa presyo ng gasolina, patuloy siyang sasagwan. Sapagkat para sa kaniya, hangga’t may tubig sa Ranao, may pag-asang mabibigyan niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga apo na para sa kanya ay isang marangal na paglaban sa gitna ng unti-unting tumatahimik na lawa.

Sa gitna ng mga hamong ito, patuloy na nakikipagsapalaran si Sowaib sa mga pagbabago sa lawa upang itaguyod ang kaniyang pamilya. Ipinapakita ng kaniyang walang-pagod na pagsisikap na sa kabila ng krisis sa lawa, patuloy siyang sasagwan araw-araw upang makasabay sa hirap ng panahon at mapanatili ang kaniyang kabuhayan. (Normina D. Limbona / S’bang ka Marawi para MindaNews)

(Ang istoryang ito ay nagawa sa suporta ng Earth Journalism Network.)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *