Humantong sa suntukan at pananaksak ang habulan sa kalsada ng dalawang lalaking magkaibigan na may alitan sa West Kamias, Quezon City. Ang suspek, arestado.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, makikitang sinusundan ng suspek, na nakasuot ng itim na jacket, ang biktima na nakasuot naman ng dilaw na t-shirt.
Maya-maya pa, naghabulan na ang dalawa at nang magpang-abot, sinuntok ng suspek ang biktima. Muling nagkahabulan ang dalawa.
Sa mga sumunod na kuha ng CCTV, makikita na ilang beses nang inundayan ng saksak ng suspek ang biktima na napahiga sa kalsada.
Huminto ang komosyon ng dalawa nang dumating ang isang motorcycle rider. Matapos nito, naglakad palayo ang suspek.
Rumesponde ang mga pulis sa lugar at dumating din ang ambulansya ng barangay na nagdala sa biktima sa ospital.
Nagtamo ng mga saksak sa likod ng ulo at magkabilang braso ang 31-anyos na biktima.
Nadakip naman ang 31-anyos din na suspek sa isang hot pursuit operation, at nabawi sa kaniya ang ginamit na pocket knife.
Positibong kinilala ng biktima ang suspek sa ospital.
Sinabi ng pulisya na matagal nang magkaibigan ang dalawa ngunit may dati silang awayan.
Lumabas din sa imbestigasyon na nakainom ang suspek.
Ayon sa suspek, mahigit isang dekada na silang magkaibigan ng biktima, ngunit hindi na niya binanggit kung ano ang kanilang pinag-awayan.
“Wala pong stabbing, kasi po wala naman siyang saksak. Nagkasugat po siya dahil po sa pambukas ng de lata. Bago po kasi niyan, noong nag-inom kami last time meron kaming hindi pagkakaintindihan,” depensa ng suspek.
Sinampahan na ang suspek ng reklamong frustrated homicide.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News