ANG KULTURANG Pinoy ang makapagpapaunawa sa atin sa eksenang inilalarawan sa atin ni San Mateo sa Ebanghelyo, ang eksena ng pagluluksa ni Jesus sa balitang patay na ang kaibigan niyang si Juan Bautista.
Alam natin kung gaano kalapit si Juan Bautista kay Hesus dahil magpinsan ang kanilang mga nanay at mismong si Mama Mary, ayon sa kuwento ni San Lukas, ang umalalay kay Elizabeth nang ipanganak nito si Juan Bautista.
Ayon kay San Lucas, taon-taon lumuluwas patungong Jerusalem ang pamilya ni Jesus, Maria at Jose, para makipamiyesta sila sa Jerusalem para sa Paskwa. Eh saan pa sila makikituloy doon sa Judea kundi sa bahay nina Elizabeth na pinsan ni Maria? Palagay ko taon-taon na nilu-look forward (kinasasabikan) ni Hesus ang muling pagkikita nilang magpinsan.
Marami na akong nakitang mga paintings sa mga simbahan na naglalarawan kina Juan at Jesus bilang magkalaro nang mga bata pa sila. Na lumaki silang magkaibigang matalik o mistulang magkapatid.
Kaya sa libro kong Yeshua talagang umandar ang malikot kong imahinasyon. Doon sa eksena ng pagkawala ni Hesus at pagkakatagpo sa kanya sa templo, may kutob akong kasama niya si Juan. Mukhang bata pa si Jesus nangungulit na siya na magpaiwan muna sa Jerusalem. Siguro mabigat ang loob niya tuwing matapos na ang bakasyon nila at magkakahiwalay sila ng kanyang kuya Juan. May kutob akong ibig din niyang mag-aral sa mga eskwelahan na pinapasukan ni Juan sa Jerusalem kaya minsan nagpaiwan. Malakas kasi ang dating sa puso ni Hesus ng salita ng Diyos. Dahilan kung bakit napalapit siya nang husto sa pinsan niyang si Juan—na imbes na maging saserdoteng tulad ng tatay niyang si Zakarias ay naging aktibistang propeta—na nakabangga ng mga nasa otoridad tulad ni Herodes Antipas.
Kaya nga siya napadpad sa Capernaum. Hindi ko ikagugulat kung si Mama Mary mismo ang nagpayo sa kanya na lumayo muna at magpalamig nang lumabas ang balita tungkol sa pagkakaaresto ni Juan. Lalo na’t kilala siya bilang kasamahan ni Juan, at bininyagan pa nga siya nito sa ilog Jordan. At di ba’t si Juan din ang nagpakilala sa kanya bilang Kordero ng Diyos sa dalawang alagad niya?
Kaya napakasakit siguro ng huling palitan nila ng salita habang nakabilango si Juan Bautista at nagpasugo ito ng alagad. At ang tanong daw ay, “Ikaw na ba talaga ang hinintay naming dumating o hahanap kami ng iba?” In short, “Nagkamali ba kami?” May palagay akong nasaktan si Hesus sa tanong na yun na parang intriga dahil maugong ang tsismis na naging mabisyo si Jesus, nakikikain at nakikipag-inuman sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan.
Palagay ko hindi si Juan ang pinatatamaan ni Hesus noong isagot niya, “Sabihin niyo kay Juan Bautista ang totoong naririnig ninyo at nasasaksihan: nakakikita ang mga bulag, nakaririnig ang mga bingi, nakalalakad ang mga paralitiko, napagagaling ang mga ketongin, nabubuhay ang mga patay, at nakakarinig ang mga dukha ng mabuting balita.” Parinig yun ni Hesus hindi kay Juan Bautista kundi sa mga intrigerong mga alagad na sugo. Pero dahil nga sa biglaang pagkakabitay niya, hindi na sila nakapag-usap na muli.
Kaya nagdulot ng matinding pagkalungkot kay Hesus ang balita tungkol sa pagkamatay ng kanyang pinsan, ng kaibigan niyang si Juan Bautista. Binitay siya ni Haring Herodes. Pinapugutan ng ulo. Kaya kusang lumayo si Hesus upang makapag-isa, makapagdili-dili sa pagluluksa. Pero sinundan siya ng mga tao. Kaya sa bandang huli, hinarap na rin niya sila.
Parang Pinoy na Pinoy ang dating nito. Hindi ba sa mga burol sa patay dito sa atin sa Pilipinas, hindi ka naman pwedeng mag-isa lang o lumayo? Kasi maraming dadalaw na kamag-anak, kaibigan, katrabaho, kapitbahay. Makikiramay sila, makikipagkwentuhan. Uulit-ulitin na itatanong, “Ano’ng ikinamatay niya? Bakit?” Ang hirap, di ba? Hindi mo masabing, “Lubayan n’yo nga muna ako. Huwag n’yo muna akong kakausapin. Nagluluksa ako.” Hindi. Minsan nga tulad ng kaugalian sa mga burol, pakakainin mo pa ang mga nakikiramay. Katulad ng ginawa ni Hesus. Kung sinong nagluluksa, siya pa yung nagpahanda ng maipapakain.
Parang alingawngaw ito ng narinig natin sa unang pagbasa: “Halina’t kumain at uminom sa aking handa, wika daw ng Panginoon ayon sa propeta.” Ito ang consistent na mensahe ni Hesus. Ibig niyang iparanas ang kaharian ng Diyos sa pagsasalo, sa paghahati ng tinapay, sa paikipagkwentuhan. Ibang larawan ng Diyos ang pinakikilala niya. Hindi Diyos na hukom o berdugo na dapat katakutan, kundi pastol. Pastol na naghahanap kahit sa mga tupang ligaw. Nagpapakain pa rin kahit sa panahon ng pagluluksa.
Ewan kung bakit ang hilig natin kung minsan na gawing panakot ang Diyos. Ewan kung saan galing ang konsepto ng Diyos, na nanggagalaiti na magparusa sa mga makasalanan at magtatapon sa tao sa impyerno.
Narinig niyo ba ang ating ikalawang pagbasa? Kung paano tinanong ni San Pablo, “Sino’ng makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos?” Para na ring niyang tinanong, “Sino bang magtatapon sa atin sa impiyerno?” Ang haba ng listahan niya ng mga posibleng sagot na hinihindian niya bawat isa. Paghihirap ba, kapighatian, pag-uusig o gutom o tabak? Sabi niya kahit na kamatayan, “…walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos dahil kay Kristo Hesus na ating Panginoon.” Kasi hindi naman misyon ng Diyos ang humatol o magparusa, kundi ang kumalinga, tumubos, magligtas, magpakain.
Pero totoo nga bang wala? Ako palagay ko, meron. Meron. Wala nga lang sa listahan ni San Pablo. Isa lang ang totoong pwedeng maghiwalay sa Diyos sa tao. Sino ‘yun? Ang tao mismo. Tayo mismo. Tayo lang ang pwedeng humiwalay sa pag-ibig ng Diyos— kung kusang-loob tayong lalayo sa kanya. At kung mahulog man tayo, bababa pa rin siya para sagipin tayo, tubusin at hanguin.
Kaya siguro inutusan ni Hesus ang mga alagad na pulutin pati ang mga pira-pirasong tira-tira mula sa limang tinapay at dalawang isda na nagpakain ng 5,000. Aanihin mo nga naman ang tinapay kung manatiling buo ito? Aamagin lang, di ba? Kaya nga tayo gumagawa ng tinapay para ito mabiyak, mapiraso, makain, maubos, hanggang wala nang matira kundi mumo. Siguro ‘yun ang dahilan kung bakit pinapulot niya ang mga mumo.
Mahal ng Diyos ang mga taong kumbaga sa tinapay ay hindi takot na mabiyak, mahati, mabahagi, mapakain, at magpabusog hanggang wala nang matira kundi mga tira-tira, piras-pirasong mumo. Mahal ng Diyos kahit ang mga mumo dahil patotoo sila sa kagandahang-loob na mag-alay ng sarili. Kaya pinupulot at iniuuwi. Maaari pa silang pagsaluhan at maging simula ng isang bagong himala sa kanyang kaharian.
(Homiliya para sa Ika-18ng linggo ng Karaniwang Panahon, 2 Agosto 2026, Mateo 14:13-21)
