SUBIC BAY FREEPORT— Inirereklamo na sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang masangsang na amoy mula sa 118 refrigerated (reefer) containers na naglalaman ng frozen products na matagal nang nakaimbak sa Subic Bay International Terminal Corp. at lumampas na sa itinakdang dwell time na 300 araw.

Sa liham ng isang locator na may petsang May 12, 2026, ipinaabot kina Subic Bay Metropolitan Authority chairman and administrator Eduardo Jose L. Aliño, Bureau of Customs commissioner Ariel F. Nepomuceno, at Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kahilingan na aksyunan ang naturang mga container dahil umano’y nagdudulot na ito ng seryosong banta sa kalusugan, kaligtasan, at kapaligiran.
Ayon sa locator, ang matagal na pananatili ng mga reefer container ay nagresulta ng pagtagas na may mabahong amoy, pagkasira ng ilang kargamento, at mga potensyal na panganib sa mga empleyado at stakeholders sa paligid ng terminal.
Iginiit pa ng locator na ang sitwasyon ay nakaaapekto na rin sa overall efficiency ng port activities at sa kapasidad ng terminal na tumanggap ng mga bagong refrigerated cargoes.
Dahil dito, hiniling ang agarang pag-pull out, disposal, o iba pang angkop na proseso para sa mga naturang container bago pa lumala ang problema.

Sinabi rin ng locator na nakahanda itong makipagtulungan sa SBMA, BOC, DA, at iba pang kaukulang ahensya upang maresolba ang usapin alinsunod sa umiiral na batas, patakaran, at pamamaraan.
Ayon naman kay BOC-Port of Subic District collector Arnaldo Saulong, minamadali na nila ang pagtanggal sa mga reefer container kaya lang natatagalan dahil sa maraming prosesong pinagdadaanan. Photos: Johnny Reblando
