Kasunod ng isinagawang preemptive evacuation kahapon sa Barangay Anunas, personal na dumalaw si Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ngayong umaga sa evacuation center upang kumustahin at makita mismo ang kalagayan ng mga residenteng nailikas mula sa riverside area.
Noong Agosto 17, isinagawa ang preemptive evacuation sa koordinasyon ng ACDRRMO, BDRRMO Anunas, CSWDO, PNP, ACTDO at EMS upang mailipat sa mas ligtas na lugar ang mga pamilyang maaaring maapektuhan ng patuloy na pag-ulan.



Sa evacuation center, patuloy na nagbibigay ng serbisyo ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), kabilang ang assessment, interview at pagtukoy sa mga pangangailangan ng bawat pamilyang nailikas.
Bilang bahagi ng maayos at may malasakit na pag-aasikaso sa mga evacuees, naglaan ang ACDRRMO ng magkakahiwalay na tent para sa bawat pamilya. Layunin nitong magkaroon ang bawat pamilya ng sariling pansamantalang espasyo kung saan maaari silang makapagpahinga nang mas maayos habang nasa evacuation center.



Ang pagkakaroon ng family tents ay nagbibigay rin ng karagdagang privacy at personal space sa mga evacuees, lalo na sa mga pamilyang may mga bata, senior citizens at iba pang miyembro na nangangailangan ng mas komportableng lugar habang pansamantalang malayo sa kanilang mga tahanan.
Mayroon ding lactation station tent sa loob ng covered court para sa mga breastfeeding mothers. Nagbibigay ito ng mas pribado, malinis at maayos na lugar para sa pagpapasuso, upang patuloy na matugunan ang pangangailangan ng mga ina at kanilang mga sanggol kahit nasa evacuation center.
Nakaantabay din ang City Health Office upang matugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga evacuees, kabilang ang pagmomonitor sa kalagayan ng mga bata, senior citizens at iba pang nangangailangan ng karagdagang atensyon.
Sa kanyang pagbisita, siniguro ni Mayor Jon na patuloy ang koordinasyon ng mga concerned offices upang maihatid ang kinakailangang social welfare, health, safety at emergency assistance sa bawat pamilyang pansamantalang nananatili sa evacuation center.



Patuloy ding mino-monitor ng response teams ang sitwasyon sa Anunas at iba pang komunidad upang agad na makapagbigay ng tugon kung kinakailangan.
Para sa mga Angeleño na naninirahan malapit sa Abacan River, creek at iba pang waterways, makinig sa guidance ng barangay officials at ng Pamahalaang Lungsod. Kung kinakailangang lumikas, makipagtulungan sa mga response personnel at sundin ang evacuation instructions.
Ang maagap na paglikas ay bahagi ng paghahanda upang maiwasan ang panganib. Sa panahon ng sakuna, kaligtasan muna at malasakit sa bawat Angeleño.
#AngelesCity
