Kabayanihan sa Tacloban ng batang Kapampangan ginawaran ng parangal , Punto! Central Luzon

LUNGSOD NG SAN FERNANDO – “Isang Kapampangan. Isang kabataan. Isang bayani.”

Opisyal na idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga, sa pamumuno ni Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda, ang yumaong Chris Lorenz Tanglao Fabian bilang “Pride of Pampanga” bilang pagkilala sa kanyang pambihirang tapang, malasakit, at sakripisyo.

Sa gitna ng trahedya sa San Jose National High School sa Tacloban City, hindi inuna ni Chris ang kanyang sarili. Sa halip, buong tapang niyang sinubukang protektahan ang kanyang mga kaklase at guro noong June 22, 2026.

Tubong Barangay Lourdes, Minalin at Barangay Dau, Mabalacat City ang mga magulang ni Chris.

Ngayong June 25, personal na binisita sa Tacloban City nina Vice Governor Pineda, Pampanga Mayors’ League president at Apalit Mayor Jun Tetangco, Minalin Mayor Philip Naguit, at 4th District board member Kaye Naguit ang naulilang pamilya upang ipaabot ang pakikiramay ng mga Kapampangan at ibigay ang Resolution No. 10319, at ihatid ang tulong mula sa Kapitolyo.

Bumisita din kay Leyte Governor Carlos Petilla ang mga opisyal sa pagpunta nila sa lugar.

Ang ginawa ni Chris ay patunay na ang tunay na tapang ay hindi nasusukat sa edad, kundi sa pusong handang magsakripisyo para sa kapwa.

Sa pamamagitan ng resolusyon, ipinapaabot ng Lalawigan ng Pampanga ang pinakamataas na pagkilala sa kabataang nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga Kapampangan, kundi sa buong bansa.

Chris Lorenz Tanglao Fabian, ang iyong tapang ay mananatiling ilaw sa puso ng bawat kabataan.

Ang iyong pangalan ay aalalahanin.

Ang iyong kabayanihan ay magiging gabay.

Ang iyong sakripisyo ay hindi malilimutan.

Saludo kami sa iyo Kabalen. Pampanga PIO



Source link

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *