SA HALIP na bigyan ng kaukulang pag-iisip ng School Division-City of San Fernando Pampanga ang liham ni kagalang-galang na kagawad Noel Tulabut ng sangguniang panlungsod, ay pikit-matang tumalima na lamang ito sa payo (advise) na nakasaad na pansamantalang itigil ang lahat ng feeding program sa mga paaralang sakop nito.
Sa pambungad na pangungusap pa lamang, kitang-kita na arbitrary o ayon lamang sa sariling kagustuhan ni Tulabut ang ipinapayong aksyon – “the undersigned [SP] member of [CSFP] is currently in the process of deliberating proposed ordinance.”
Mismong sa kanyang nilagdaang liham ang pahayag na hindi ang SP kundi si Tulabut lamang ang naglilimi sa minumuni pang ordinansa. Kung nasa SP na ang usapin, dapat lamang na imbes na “the undersigned,” ang nakasaad ay “the SP of the CSFP is currently in the process of deliberating proposed ordinance.”
Sa demokratikong pamamahala, ano’ng puwersa ng batas mayroon ang isang ordinansang pinaglilimian pa lamang ng isang kagawad? O baka naman ang paniniwala ng school division superintendent ay isang one-man-SP si Tulabut kaya naging sunud-sunuran na lamang ito?
Ang titulo ng iniisip pa lamang na ordinansa ay “Regulating and institutionalizing the conduct and operations of feeding programs, medical missions, and dental missions within [CSFP], providing implementing guidelines, mechanisms, and implementing penalties for violations thereof.”
Ang ibinigay na dahilan para sa “temporary moratorium” ay “to ensure proper coordination, compliance, and alignment with the forthcoming policies and guidelines under the said ordinance.”
Ito ay isang malaking kabalintunaan: ano’ng tiyak na pagsunod o pagtalima na maaaring gawin sa isang panuntunan na nasa imahinasyon pa lamang?
Makatuwiran lamang, at makatotohanan, na balangkasin muna at isabatas ang anumang panuntunan bago isakatuparan ang pagsunod dito. Hindi ako abogado o nagmamarunong sa batas, pero sapat ang aking kaisipan para maintindihan ang katumpakan ng “laws are prospective, not retrospective.”
Hubad sa katwiran, hubo sa diwa ng batas, lumalabas na gimik-pulitika itong pakana ni Tulabut kundi pagsisipsip sa patron nito. Muli, ito ay malinaw pa sa sinag ng araw sa kanyang mismong liham kung saan kanyang hiling sa schools division superintendent “…to consider the implementation of a temporary moratorium on the conduct of feeding programs on all public schools …until the ordinance has been enacted…”
Sa titulo ng iniisip pa lamang – hindi pa ito panukala (proposed) – na ordinansa, sakop nito ang “feeding programs, medical missions, and dental missions.”
Bakit feeding programs lamang ang ipinapahinto?
Fernandino kang kahapon lamang isinilang kung hind mo alam na mula pa nitong Enero ay umiikot na sa mga paaralang-pampubliko hindi lamang sa San Fernando kundi sa iba’t-iba pang bayan ng Pampanga ang Tatay Bong Feeding Program ng pamilya Pineda na naglalayong mabigyan ng masustansyang pagkain pati na mga bitamina ang mga batang mag-aaral na kulang sa tamang timbang o akmang nutrisyon.
Isa kang walang kamuwang-muwang o ganap nang nilayasan ng kaisipan kundi mo mawari ang tiwarik na dahilan ni Tulabut sa kanyang liham.
Biglang sumagi sa aking alaala ang matalinghagang mga kataga ng isang dakilang makata noong ako ay nasa kolehiyo at ngayo’y aking sinisipi sa kaganapang ito — Mula sa palikwad-likwad na balintataw ay rumagasa ang dumadagundong na panagimpan ni Tulabut para maghagkis ng dusa’t pasakit sa mga batang Fernandino.
Marapat lamang ang mga umaalimpuyong batikos na inihahampas kay Tulabut sa social media sa pag-isip man lamang ng pagpigil sa isang gawaing ang tanging layon ay sa ikabubuti ng mga kabataan tungo sa isang maaliwalas at malusog na kinabukasan.
Sa pagkakatugma nito sa panahon ng kuwaresma, todo-higit ang hagupit kay Tulabut mula mismo sa Banal na Aklat, Mateo 25:35, na ating hinalaw: “Sapagka’t ako’y nagugutom at naglatag ka ng ordinansa na pipigil sa pagapapakain sa akin.”
Karumal-dumal na sumpa ang mababanaagan sa mga susunod pang mga bersikulo, Mateo 25: 41 – “… ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon” at 45 – “… ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’”
Nakakakilabot.
