Timbog ang isang security guard matapos mabisto ang tangka niyang sunugin ang pinagtatrabahuhang online bingo sa Valenzuela City para mapagtakpan umano ang pagnakaw niya ng pera.
Ang pagkuha niya ng salapi mula sa vault ng opisina, na-hulicam.
Base sa ulat ng Super Radyo dzBB, aabot sa P800,000 ang ninakaw umano ng sekyu sa online bingo sa Paso de Blas nitong Huwebes ng umaga.
Dagdag ng ulat, kita sa CCTV na dalawang beses kumuha ng pera ang salarin mula sa vault.
Maya-maya’y sinindihan daw niya ang ilang bundle ne pera.
Bago mag alas-siete ng umaga, siya pa raw mismo ang nag-report ng sunog sa mga barangay tanod. Agad namang naapula ang sunog, at bahagi ng opisina ng kahera ang natupok.
Siniyasat naman ng awtoridad ang CCTV footage matapos i-report ng mga kinatawan ng online bingo na nawawalan sila ng P800,000.
Nang ikumpronta ang sekyu, inamin umano niya ang pagkuha ng pera pati na ang tangkang pagsunog sa pinagtatrabahuhan.
Bahagya rin daw siyang nagsunog ng P250,000, at itinago ito sa planong tangayin balang araw. Itinuro rin daw niya sa awtoridad ang pinagtaguan niya nito. — VDV, GMA Integrated News