Ugoy ng duyan – Punto! Central Luzon

SA UNANG araw ng taon, hindi naman ang New Year ang ipinagdiriwang natin sa simbahang Katolika. Kasi nagbago na ang taon para sa atin noon pang First Sunday of Advent sa liturgical calendar ng simbahan. Sa unang araw ng bawat taon, ang ipinagdiriwang natin ay isang kabalintunaan, isang “paradox” sa Ingles—na walang iba kundi ang Mahal na Birhen Maria bilang INA NG DIYOS. Masyado na tayong nasanay sa bansag nating ito kay Maria, nakakalimutan natin na hindi ito tanggap ng lahat ng Kristiyano.

Nahati nga ang mga Kristiyano dahil sa title na ito nang ideklara ito sa Council of Ephesus noong AD 431. Kahit sa mga tumanggap sa title ni Maria bilang INA NG DIYOS, hindi rin naging madali ang pagtanggap sa mismong ideya na “mayroong nanay ang Diyos.” Ganito ang reaksyon nila: kung si Maria ay Ina ng Diyos, ibig bang sabihin Diyos din siya? Naging parang batong katitisuran ito para sa marami, isang “stumbling block” na sa Griyego ay “skandalos”. Pero sa totoo lang, ang talagang hindi matangap ng marami ay ang misteryo mismo ng Diyos na nagkatawang-tao kay Hesukristo. Paano siya Diyos na totoo kung tao siyang totoo? Pero paano rin natin sasabihing ang Anak ng Diyos ay “taong totoo” kung hindi siya nabuo sa sinapupunan ng isang babae, katulad natin? Ano ba siya, putok sa buho? Paano mo siya tatawaging taong totoo kung hindi siya dinala at isinilang ng isang nanay? Kung hindi siya pinasuso, iniwi, nilampinan, ipinaghele? May kutob akong nilagyan pa ni San Jose ang sabsaban na pinaghigaan kay Hesus na parang kuna—ng kahoy na pakurba nang konti tulad ng sa rocking chair para maiugoy siya at mapatulog nang mahimbing. Madaling sabihin na kay Kristo ang Diyos na totoo ay naging tao ring totoo, pero isang malaking problema ito.

Ano ang problema? Anong klaseng Diyos siya kung kailangan siyang isilang ng isang babae? Pero kung nakinig kayong mabuti sa ikalawang pagbasa, ito mismo ang pinakadiin-diin ni San Pablo. “Sa takdang panahon, isinugo ng Diyos ang bugtong na anak niya. Isinilang ito SA ISANG BABAE… upang tayo’y maampon niya bilang kanyang mga anak…”—tayong mga anak din ng tao at isinilang din ng isang ina. 

Kung may isang bagay na kinikilala ang kahit na sinong tao sa buong daigdig, ito’y walang iba kundi ang pinakamaganda, pinakadalisay, pinakawagas na larawan ng pag-ibig. Ang tinutukoy ko ay hindi ang pag-ibig ng lalaki sa sinisinta, o ng kaibigan sa kaibigan, o ng anak sa magulang, kahit na importante ang lahat ng uri ng pag-ibig. Ang pinakawagas na pag-ibig daw ay pag-ibig ng ina sa kanyang anak. Kaya siguro pinili ng Diyos na isilang ang anak niya sa isang babae upang magkatawang-tao. Pinili niya ito nang kusang-loob, ginusto niya, niloob niya. Dahil sabi nga ni San Juan, “Ang Diyos ay pag-ibig”, pinili niya ang pinakadakilang larawan ng makataong pag-ibig: ang pag-ibig ng ina sa kanyang anak. 

May tendency nga lang tayo na masyadong i-romaniticize ang eksena ng Belen at larawan ni Mariang Ina ng Diyos. Wala pa akong nakitang portrayal o paglalarawan ng Pasko ng Pagsilang sa Bethlehem na hindi romantic ang dating. Sino ba ang magpapadala ng Christmas card na ang nakalarawan doon ay ang panganganak ni Maria? Nakahiga, nakasalampak, nakangiwi sa sakit ng pag-iri, nabasagan na ng pala-anakan, tinagasan na ng tubig. May ganyan bang paglalarawan ng Belen? Larawan ng isang migranteng pamilya na desperadong naghahanap ng malinis-linis na lugar na pwedeng pagdausan ng panganganak, pero walang makita kundi isang mabahong kuwadra para sa mga hayop? Walang romantic sa larawan ng mag-asawang palaboy at homeless habang buntis ang misis niya, manganganak na walang duktor, walang nurse, hindi sterilized ang lugar. Walang romantic sa panganganak, hindi sa clinic o ospital kundi sa ilalim ng tulay sa tabi ng isang mabahong estero. Hindi romantic ang manganak sa isang bomb shelter sa ilalim ng isang building na binomba at gumuho sa Gaza, o sa mga refugee shelters sa Ukraine, o sa Sudan, sa isang kariton sa tabi ng kalsada. Wala ring romantic sa larawan ng isang sanggol na kalalabas pa lang at hindi pa napuputulan ng pusod. Para siyang isang kapirasong karneng binalutan ng malapot na sipon at uhog, o baka sinabayan pa ng dumi sa pag-iri ng nanay niyang babad na sa pawis, halos himatayin sa matinding paghilab at pag-iri. Hindi tahimik ang gabing iyon—madugo, madumi, mabaho, mahirap, masakit, traumatic.

Pero kung ipa-fast forward natin ang eksena, maiintindihan natin kung bakit ang Diyos mismo ay inilalarawan ng propeta Isaias bilang isang ina (Isaias 49). Di ba nakilala ito ng maraming Pilipino bilang isang kantang simbahan? “Malilimutan ba ng ina ang anak na galing sa kanya? Sanggol sa kanyang sinapupunan, paano niya matatalikdan? Ngunit kahit na malimutan ng ina ang anak niyang tangan, hindi kita malilimutan, kailanma’y di pababayaan.”

Di ba pag tapos na ang paghilab at pag-iri, kapag nakaraos na ang babae sa panganganak, kapag nailuwal na nang maayos ang sanggol, kapag nahugasan na ang bata at at naibalot na ng lampin, kapag ipinatong na ito sa dibdib ng kanyang nanay, di ba napakatinding larawan ng sandaling iyon na titigil sa pag-iyak ang bata pag naramdaman na niya ang nanay niya? Iyon ang tunay na sandali ng kapayapaan, mapapalitan ng ngiti ang ngiwi, mapapalitan ang luha ng pagdurusa ng luha ng kaligayahan. Sa sandaling iyon ng unang pagkalong ng ina sa kanyang anak, sino mang magmamasid ay makauunawa kung bakit sa ating unang pagbasa tungkol sa pormula ng basbas na sasabihin daw ng magulang sa kanilang mga anak ay parang nanay din ang dating ng Diyos. “Pagpalain ka ng Diyos at ingatan, pagmasdan ka nawa niya at kasihan, sulyapan ka nawa ng kanyang mukha at dulutan ng kapayapaan.” Ang nakikita kong larawan sa basbas na ito ay ang eksena matapos ang matagumpay na panganganak ng isang babae. 

Sa paglalarawan ni San Lukas sa kuwentong Paskong binasa natin sa ebanghelyo, noong sandaling iyon na tahimik na ang sanggol na binalutan ng lampin, noong sandaling pinagmamasdan ang bata ng mga bisitang pastol na naglalamay din dahil panahon ng pagpapaanak nila sa mga buntis na tupa. Ang pag-uha ng mga korderong bagong silang na binabalutan din nila ng lampin at inihihiga sa sabsaban ay sumabay sa pag-uha ng Anak ng Diyos, ang korderong mag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Ilarawan ninyo sa imahinasyon ang Mahal na Ina na payapa at nakatingin sa sanggol na Hesus. Wala akong maisip na mas angkop na kanta para sa pinakawagas at pinakadakilang sandaling iyon kundi ang uyaying komposisyon ni Lucio San Pedro na pinamagatang UGOY NG DUYAN: “Sana’y di magmaliw ang dati kong araw nang munti pang bata sa piling ni nanay. Nais kong maulit ang awit ni inang mahal, awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan. Sa aking pagtulog na labis ang himbing, ang bantay ko’y tala, ang tanod ko’y bituin. Sa piling ni nanay langit ay buhay…puso kong may dusa’y sabik sa ugoy ng duyan.”

Ang ipinagdiriwang natin ngayon ay ang ugoy ng duyan at uyayi ng Diyos para sa balisang sangkatauhan. Walang magbibigay kapayapaan sa mundo kundi ang tahimik na larawan na ito ni Maria, ang babaeng nagsilang sa nagkatawang-taong Anak ng Diyos, hindi dahil likas ito sa Diyos kundi dahil pinili ito ng Diyos—ang maging sanggol, maging tao sa piling ng mga tao, ang Diyos na naging kapatid ng sangkatauhan at kasamang nakipanirahan sa santinakpan bilang iisang tahanan. Isang manigong bagong taon sa inyong lahat.

(Homily for the Solemnity of Mary, Mother of God, New Year 2024, Lk 2:16-21)

 



Source link

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *