Sa gitna ng hirap, may pag-asa pa ba? , Punto! Central Luzon

Screenshot

SA TUWING dumarating ang Semana Santa, tila humihinto ang mundo para magbigay-daan sa ating pagninilay.

Tinitingnan natin ang sugatang Kristo sa krus at doon natin hinuhugot ang lakas para kayanin ang sarili nating mga pasanin.

Alam kong pagod ka na. Damang-dama ko rin ang bigat na dala ng bawat pamilyang Pilipino ngayon: -yung kaba nila tuwing dumarating ang mga bayarin,

-yung lungkot ng isang magulang na hindi maibigay ang sapat para sa kanyang mga anak,

-at yung takot tuwing uulan dahil baka bahain na naman ang kanilang munting tahanan.

Ang krus na pasan natin ngayon—ang mahal na bilihin, ang kakarampot na sahod, ang walang katapusang trapiko at baha—ay hindi galing sa Diyos.

Gawa ito ng tao.

Gawa ito ng sistema.

Napakasakit isipin na habang ang marami sa atin ay nag-aayuno bilang panata, may mga pamilyang hindi kumakain dahil wala na talagang maihain.

Habang ang iba ay nagpepenitensya sa kalsada, mas maraming magulang ang naglalakad pauwi galing trabaho dahil ang huling barya nila ay ibinili na ng bigas kaysa ipamasahe.

Ang hirap tanggapin na ang buhay na dapat ay masagana ay naging isang araw-araw na pakikibaka para lang mabuhay.

Minsan, naiisip natin: baka bahagi lang talaga ito ng ating krus? Baka ito talaga ang nakatadhana sa atin?

Pero kapatid, sa aking paniniwala ang Diyos ay pag-ibig.

Hindi Niya nais na tayo ay habambuhay na magdusa dahil sa kapabayaan ng iba.

Ngayong panahon ng Semana Santa nawa’y makita natin na ang tunay na mensahe ng krus ay pag-asa at pagmamahal. At ang pagmamahal na ito ang dapat magtulak sa atin para baguhin ang ating kalagayan sa mga simpleng hakbang.

Una, iwanan na natin ang kawalan ng pag-asa. Huwag nating isiping wala na tayong magagawa. May kapangyarihan ang bawat isa sa atin na magbago ng sistema.

Pangalawa, ibalik natin ang totoong malasakit. Kung hindi tayo kayang lingapin ng mga dapat naglilingkod sa atin, magtulungan tayo sa ating sariling komunidad. Walang ibang magtutulungan kundi tayo-tayo rin.

Pangatlo, maging mulat at mapanuri tayo. Ang maliit nating boses, kapag pinagsama-sama, ay kayang lumikha ng malaking pagbabago. Huwag nating ibenta ang ating mga boto sa halagang panandalian lang ang ginhawa.

Ang Semana Santa ay hindi nagtatapos sa Biyernes Santo.

May Linggo ng Pagkabuhay.

May pag-asa. Ngunit ang pag-asang ito ay magsisimula lamang kung pipiliin nating magising at humakbang.

Hindi masamang umiyak sa hirap ng buhay, ngunit nawa’y ang mga luhang ito ang magpatapang sa atin para lumikha ng isang bansang mas makatarungan at masagana para sa lahat.



Source link

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *