BALANGA City: Unti-unting bumababa ang presyo ng bigas sa Bataan ng mula lima hanggang walong piso bawat kilo tulad ngayong Miyerkules sa mga public market sa Orani at Balanga City.
“Kahit paano bumababa,” sabi ni Mark Chavez ng isa sa pinakamalaking tindahan ng bigas sa Orani public market. May mabibili na aniya, ngayong P45 kada kilo ng ordinary imported na bigas mula sa dating P49 samantalang ang local ordinary rice naman ay P45 – P46 isang kilo.
Dati umanong may P60 na imported rice pero ngayon ay P58 ang kilo na lamang samantalang meron namang P58 na bumaba sa P50.
“Sa ngayon matumal pa bentahan ng bigas. Nagtitipid siguro mga tao o kaya natataasan pa rin. Kulang pa siguro ng pagbaba,” sabi ni Chavez.
Sinabi naman ni Marilou Dela Rosa, may-ari ng isa sa pinakamabiling rice stall sa Balanga City public market, na meron na silang panindang bigas na halagang P48, P50, P52 at P53 kada kilo. “May mababa na kasi dahil marami ng bagong bigas.”
Ang dati, aniyang P52 isang kilo ng local rice, naging P48 – P50 na lamang. “Ang iba naman kasi mga nakuha pa namin sa mataas na presyo kaya hindi namin basta maibaba agad.”
Ang mababa umanong presyo ay ang mga bagong aning bigas na nanggagaling sa Tarlac, Pangasinan at Nueva Ecija. “Kasi nag-aanihan na kaya mas bababa pa ang presyo ng bigas, bababa pa siya ng mga apat na piso. Ang dating P54 halimbawa, magiging P50 na lamang isang kilo. (30)