ANG SALMONG Tugunan ang pinagbatayan ko ng pagninilay ngayong umaga. Pero hindi ako kuntento sa Tagalog translation. Sa literal na Ingles ganito ang sinasabi: “Lord, make us turn to you; let us see your face and we shall be saved.” Ang mas magandang translation ay, “Panginoon, nawa’y mabalikdan ka namin; nawa’y makita namin ang iyong mukha, upang kami’y magkamit ng kaligtasan.”
Ang tawag ko dito ay “Panalangin ni Moises” na ang orihinal na inspirasyon ay galing sa Book of Exodus 34, ang kuwento tungkol sa paglalambing ni Moises sa Panginoon: “Kung matalik na kaibigan ang turing mo sa akin, hindi ba puwedeng ipakita mo sa akin ang iyong mukha?” Sabi daw ng Panginoon, “Walang nakakakita ng aking mukha na mananatiling buhay. Pero dahil magkaibigan tayo, pagbibigyan kita. Dito ka tumayo sa may likod ng bato. Dadaan ako at tatakpan ko ang mukha mo. Pag nakalampas na ako, bumalikid ka, para makita ang aking likuran, ngunit hindi pa ang aking mukha.”
Parang yung reality singing contest sa The Voice ang nai-imagine ko sa kuwento ng ating ebanghelyo tungkol sa pagdalaw ni Maria kay Elisabet. Di ba sa “The Voice”, nakatalikod ang mga upuan ng judges sa simula, kaya boses lang ng contestants ang pakikinggan nila. Pipindutin lang nila ang pindutan para umikot at humarap ang upuan sa kumakanta kapag nagandahan sila sa boses nito. Pag naakit ka nga naman parang hindi sapat na mairinig mo lang ang boses nya; siyempre gusto mo rin siyang makita.
Ang eksenang nabubuo sa imahinasyon ko, ay nakatalikod din si Elisabet nang dumating si Maria at tumawag ito sa kanya sa may bintana ng kusina. Kahit hindi pa sila nagkakaharap o nagkikita, nakilala na daw kaagad ni Elisabet ang boses ng pinsan niya. Ganyan naman talaga, di ba, pag malapit sa loob mo ang isang tao, kahit nakatalikod, nakikilala mo ang boses niya. May alam akong ama, kahit piringan mo ang mga mata niya at nakatalikod siya, papagsalitain mo lang nang konti ang bawat isa sa sampung anak niya, matatawag niya ang pangalan ng bawat isa batay lang sa boses.
Ang maganda sa kuwento ni San Lukas, hindi lang si Elisabet ang excited na nakarinig sa tinig ni Maria, kundi pati ang batang si Juan Bautista na nasa sinapupunan niya. Naglulundag daw ang sanggol sa tiyan niya. Parang hindi makahintay na lumabas ito para gampanan ang magiging papel niya sa kasaysayan ng kaligtasan, ang ipakilala sa bayang Israel ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.
Hindi ba nakapagtataka kung bakit nasabi ni Elisabet kay Maria, “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan.” Paano daw ba nangyari na ang mismong Ina ng kanyang Panginoon ang dumadalaw sa kanya? Hindi pa man siya isinisilang, kinikilala na agad ang sanggol sa tiyan ni Maria bilang Panginoon. Kay San Lukas, ang dalaw ni Maria ay dalaw ng Panginoon. Siya ang pinakaunang lumikha ng imahen ni Maria bilang THEOTOKOS, bilang tagapagdala ng Diyos, bilang Tabernakulo, bilang Kaban ng Tipan. Ang pagdadalang-tao niya ay sabay na pagdadalang-Diyos, kaya tinatawag natin siyang INA NG DIYOS.
Hanggang ngayon, marami sa mga kapwa Kristiyano natin ang nahihirapan na tanggapin ang ganitong bansag kay Maria, sa pag-aakalang dinidiyos natin siya. Malinaw naman sa atin na hindi siya Diyos. Ang Anak niyang si Hesukristo ang kinikilala nating Diyos na nagkatawang-tao sa pamamagitan niya.
Nang gabing iyon ng unang Pasko, nang isilang siya sa Bethlehem—hindi lang langit at lupa, hindi lang mga anghel at mga pastol, hindi lang mga tala at mga hayop, ang bumalikid kay Maria—ang lahat, ang buong sanlibutan ay bumaling sa kay Maria dahil sa sanggol na isinilang mula sa kanya: ang Anak ng Diyos.
Ito rin ang naging panawagan ni Juan Bautista nang ito ay isilang at lumaki bilang propeta: ang metanoia. Ang pagbaling ng kanyang pandinig at paningin sa direksyon ni Kristo, sa direksyon ni Maria, ang kaban ng bagong tipan.
(Homiliya para sa Pampitong Simbang Gabi, ikaapat na Linggo ng Adbiyento, 22 Disyembre 2024, Lk 1: 39-45)