BIR West Bulacan 25A pinaigting ang ‘Pay-as-you-file’ tax campaign

GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Pinasimulan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District Office (RDO) 25A-West Bulacan ang “Pay-as-you-file” tax campaign upang mapalaki pa ang koleksiyon ng buwis bago o pagsapit ng Abril 15, 2025.

Ayon kay BIR RDO 25A-West Bulacan Revenue District Officer Raymund Ranchez, target nilang malampasan pa ang P10.6 bilyon na nakolekta noong 2024 na umambag sa P2.84 trilyon na kabuuang koleksiyon ng ahensiya sa buong bansa.

Sakop ng hurisdiksiyon nito ang mga establisemento sa mga bayan ng Balagtas, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Pandi, Paombong, Plaridel at Pulilan, at mga lungsod ng Baliwag at Malolos.

Ipinaliwanag ni Ranchez na ang “Pay-as-you-file” ay isang istratehiya kung saan pinapayagan ng Republic Act 11976 o ang Ease of Paying Taxes na makapagbayad ang taxpayer kasabay ng pagpa-file ng tax returns sa pamamagitan ng sistemang electronic o over the counter.

Nagdaos ng isang motorcade ang Revenue District Office 25A-West Bulacan upang isulong ang “Pay-as-you-file” tax campaign ng Bureau of Internal Revenue. Layunin nito na ipaalala sa mga mamamayan ang pinadaling sistema sa pagbabayad ng obligasyon sa buwis. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Maaari itong gawin saan mang RDO ng BIR sa buong bansa, authorized tax software provider, at sa authorized agent bank.

Kaya’t kahit ang isang taxpayer na wala sa Pilipinas ay maari ring makapagbayad dahil sa digital payment platforms.

Bukod dito, ani pa ni Ranchez, patuloy na magbibigay ng mga special concessions ang BIR para sa mga micro and small taxpayers.

Kabilang dito ang pagiging dalawang pahina na lamang ng Simplified Income Tax Return, pagbaba ng 10 porsyento sa civil penalties, 50 porsyento bawas sa interes, at 50 porsyento na bawas din sa compromise penalty rate.

Partikular na kinokolektang buwis ng BIR ang personal income tax ng mga manggagawa na mataas sa minimum wage ang sahod; percentage tax; Expanded Value Added Tax sang-ayon sa Republic Act 9337; at excise taxes sa sugary beverages, alcohol, cigarettes, brand new automobile at oil products na tinakdaan ng Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Ranchez na ang makokolekta ng RDO 25A-West Bulacan ay iaambag sa P3.23 trilyong target na pangkalahatang koleksiyon ng BIR sa buong bansa.

Magiging bahagi rin ito ng pondo para sa binabalangkas na panukalang Pambansang Badyet ng 2026.

Malaki rin aniya ang magiging pakinabang ng mga Bulakenyo sa mga buwis na ito dahil mapopondohan ang local counterpart fund para sa mga big-ticket infrastructure projects sa lalawigan gaya ng North-South Commuter Railway System at New Manila International Airport.

Iba pa rito ang pagpopondo sa libreng matrikula sa mga pampublikong paaralan, kolehiyo at pamantasan; at iba’t ibang programang pang-kalusugan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



Source link

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *