LUNGSOD NG MALOLOS — Dapat na pataasin ng National Food Authority ang halaga ng pagbili ng palay sa mga magsasaka para hindi numinipis ang buffer stock nito.
Ito ay pahayag ng mga magsasaka sa lungsod sa gitna ng pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na manipis ngayon ang buffer stock ng palay ng NFA.
Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng samahan ng mga magsasaka sa Malolos, kaya manipis ang buffer stock ng NFA dahil kakaunti din ang mga magsasaka na nagbebenta ng palay sa NFA.
Mababa daw kasi ang bili ng nasabing ahensya ng palay sa kanilang mga magsasaka na nasa P19 lamang kada kilo ng tuyong palay.
Samantalang ang mga rice traders ay bumibili sa kanila ng palay ng hanggang P20 ng hindi na nila papatuyuin.
Malaki din kasi aniya ang gastos nila sa pagpapatuyo ng palay kayat binebenta na lang ng karamihan sa mga magsasaka ang mga palay sa traders dahil malulugi sila ng hanggang P3 kung sa NFA pa nila ibebenta ang kanilang mga aning palay.
Ani Domingo, kung nais ng Pangulo na mapataas ang buffer stock ng NFA ay dapat na taasan na nito ang bili ng palay ng mga magsasaka sa halip na gastusin pa ang pera sa rice importation.
Ayon naman kay Ben Villasis, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, kung seryoso ang pangulo sa kampanya nito ng rice sufficiency ay dapat na labanan nito ang land conversion dahil kumokonti na ang mga sakahan sa bansa.
Napipilitan na kasi aniya na ibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga bukirin dahil hindi na kumikita ang mga ito sa pagtatanim ng palay.
Sa gitna naman ng pagbaba ng presyo ng mga fertilizer ay nangangamba sila na kumalat naman ang mga pekeng imported fertillizer sa merkado gaya ng kanilang natanggap kamakailan na fertilizer subsidy mula sa gobyerno.