CABANATUAN CITY – Isang bagong tulay ang itinatayo ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd Nueva Ecija Engineering Diatrict (2nd NEED) sa pagitan ng lungsod na ito at Palayan City bilang suporta sa lumang Cabu Bridge, ayon sa isang mataas na opisyal.
Ipinunto ni Engr. Elpidio Trinidad, district engineer, na marami nang retrofitting activities ang isinagawa sa kasalakuyang tulay subalit hindi na ito maibalik sa dati dahil sa kalumaan.
Nasa P90-milyon ang halaga ng ginagawang bagong tulay bukod sa hinihiling ng ahensiya na karagdagang pondo para sa mga approach nito at right of way sa 2024 national budget, ani Trinidad.
Ang 48-meter single span na bagong tulay ay parralel o nakaayon sa luma at inaasahang makaluluwag sa mga motorista.
“‘Yung tulay kasi natin, talagang ‘yung luma ay mahina na. Kahit na dumaan na rin sa series ng retrofitting ay hindi na marating ‘yun dating strength,” paliwanag ng opisyal.
“Kaya kailangan talaga magbago na tayo ng tulay dun,” dagdag niya.
Naobliga aniya na gawing parallel na lamang – bahaging kaliwa mula sa lungsod na ito – ang bago dahil hindi maaaring buwagin ang lumang tulay dahil itinuturing itong makasaysayan at nasasakop na rin ng National Historical Commission (NHC).
Sa isang bahagi ng tulay ay makikita na ginamitan ito ng bakal na American steel. Nakatatak doon ang “United States Steel (USS) Export Company USA 1950.”
Ang naturang tulay ay daanan ng mga motorista mula at patungong silangan ng Nueva Ecija kasama ang Palayan City, mga bayan ng Bongabon, Gabaldon at Laur at Dingalan Aurora.
Alternatibo rin itong daan patungo sa mga bayan ng Gen. Natividad, Rizal, Pantabangan at San Jose City mula sa lungsod na ito.
Sa ngayon ay tanging light vehicles ang nakararaan sa lumang tulay samantalang ang detour sa kanang bahagi nito ay karaniwang hindi rin madaan ng malalaking sasakyan kapag nagsusunod-sunod ang pag-ulan.